Jump to navigation

 

 

Saturday, December 10, 2005

Paalam mga lakambini ng buhay ko.

Muggie!!! may nais akong sabihin. At sa huling pagkakataon nais ko na muling ikulong ang iyong katawan sa magkakadaop kong mga palad, nais kong maramdaman ang init ng iyong mga pisngi habang nakadampi sa aking mga labi. Bigyan mo muli ng init ang nanlalamig na katawan, bigyan mo ako ng lakas upang masabi ko ang isang plano na parang kay hirap aminin at sabihin. Hindi ko naman gusto ang desisyong ito, pinipilit lamang ako ng pagkakataon. Saan ako magsisimula at paano ko sasabihin? sa'yo Muggie, kay Servey, Brookie at Windy na dumako na ako sa punto na kailngan ng isang masakit na pagdedisesyon - pansamantala ko munang tatapusin ang ating relasyon at kailangan na nating mag-hiwalay.

Alam ko na masakit para sa inyong lahat ang gagawin kong ito. Sige! sabihin na ninyong lahat ang masasakit na salita, ipagdiinan ninyo ako at isigaw ninyo na wala akong kwentang lalake. Walang kwenta na pagkatapos ninyo akong pakisamahan ng ilang taon ay ganito ang gagawin ko sa inyo. Pero wala na talaga akong maisip na paraan upang magtagal pang muli tayo. Muli! hindi ko ito kagustuhan, pinipilit lamang ako ng batas na pinairal ng kapwa ko tao. Sila ang gumigipit sa akin para tuluyang gawin ko ito sa inyo. Mahal na kung sa mahal! kaya ko nga gagawin ito dahil mahal ko kayong lahat at ayaw ko na tuluyang mawala kayo sa akin, ayaw ko na basta na lamang kayo iwanan at damputin ng ibang hindi kayo iingatan. Masaktan na kayo, pero nais kong sabihin na itoy pansamantala lamang at alam ko na ito ang pinakamabuting gawin ko para sa inyo.

Hindi ko alam kung paano magsisimula ng wala kayo sa piling ko. Kung nasasaktan kayo, mas masakit ito para sa akin. Pero titiisin ko dahil alam ko na sa buong buhay ko ito ang isa sa pinakamagandang desisyong ginawa ko. Alam ko mangungulila ako sa bawat isa sa inyo, pero papalitan ko na lamang ito ng mga ala-lalang kinukuhan ko ng lakas - ang pangyayari noon sa piling ninyo.

Sanay ganito din ang gawin ninyo, habang magkakalayo tayo'y babalikan na lamang natin ang kahapon na puno ng tamis pagkatapos ng siphayo, puno ng pagmamahalan at lambingan. Ang pagmamahalan s'yang ating pinanghahawakan, itaboy man tayo ng ating tinitirahan ay lagi pa rin tayong magkakasama. Natutuwa ako dahil kayo ang aking napili, ang aking mga naging lakambini na kahit ilang palipat-lipat ay hindi kayo nagreklamo, hindi ninyo ako pinaghanapan. Magmistulang eskwater man ang bahay natin ay masaya pa rin tayo, magkakasama tayo at nagmamahalan.

Buwan, taon man ang lumipas ay laging nasa isip ko ang mga bagay na kung saan pinatunayan ang inyong halaga at kung paano kayo naging parte ng buhay ko. Hindi ko makakalimutan kung paano mo ako Muggie binibigyan ng init sa nakadampi kong mga labi, upang pansamantala akong mag-isip sa mga kumplikadong bagay. Oo! lagi kitang maaala-ala Brookie, yung mga kwento mo sa akin, yung mga kakaibang aral ng buhay na s'yang batayan ko kung paano harapin ang bawat engkwentro mayroon ang buhay, yung aral mo na s'yang naging batayan ko kung paano natin aayusin at bi-bihisan ng tamang porma si Servey. At syempre, ikaw Windy... siguro ma-mimiss mo din ang dampi ng aking mga kamay, ang mga oras na lagi tayong magkasama, ang kasayang papamasyal sa iba't -ibang lupain, ikaw ang saksi ng tunay kong pag-ibig.

Huwag kayong mag-alala sa akin, kaya ko ang sarili ko, at haharapin ko ito ng buong tapang.

Basta isipin ninyo na aalagaan kayo ng aking Inay, ilalagay kayo sa aking kwarto, inihabilin ko na rin sa aking kapatid na lagi kayong bibisitahin at aalagaan kagaya ng pag-aaruga ko sa inyo. Pansamantala lamang ito at muli tayong magkakasama. Makakasama mo Muggie ang ilang mugs na koleksyon ko pamula nung Kolehiyo pa ako. Ikaw naman Brookie, makakasama mo ang mga books ng pamilya, marami kayo dun at hindi ka malulungkot. Ikaw naman Servey, malapit na kitang makumpleto at sisiguraduhin ko na lalagyan kita ng pinakamaganda at modelong pyesa para ikaw ang pinakamalakas na server sa lugar natin. At windy, tulungan mo akong ilapit ang milyaheng agwat ko sa pamilya ko, alam ko na masisiyahan ka tuwing magka-chat kami ng kapatid ko dahil parang magkausap na din tayo, magkaroon man ng bagong version ang Windows, ikaw pa rin ang kasama at ang Operating system ng PC ko dahil paborito kita sa lahat ng OS. Sana maunawaan ninyo ang desisyong kong ito, huwag din kayong mag-alala kung sino ang maghahatid sa inyo, pumili na ako ng mahusay at maingat na Door to Door Sea-Cargo...

Paalam aking mga lakambini!!!

Muling paglayag ni Jun at Saturday, December 10, 2005

|